Dagdag na pulis, ipinadala sa QCPD

Nagpadala ng 110 special operatives  ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa lungsod Quezon upang tulu­ngan ang Quezon City Police District (QCPD) sa pagsa­wata sa talamak na kriminalidad.

Ipinakalat ni NCRPO chief, Director Geary Barias ang dag­dag na mga tauhan matapos ang magkasunod na panloloob sa Union Bank sa Timog Avenue at panghoholdap sa isang armored van sa Brgy. Quirino kahapon.

Magbubuhat mismo ang 110 dagdag na tauhan sa Regional Special Action Unit (RSAU) na sumailalim sa pinakamahihirap na pagsasanay laban sa krimen at maging sa rebelyon.

Inatasan ni Barias ang mga RSAU operatives na tulungan ang QCPD sa pagresolba sa mga “high-profile crimes” sa lung­sod at binigyan rin ng ka­utusan si QCPD Director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula na ma­kipag-koordinasyon sa ipina­dala niyang mga pulis laban sa mga panghoholdap.

Nabatid na malaking sampal sa programa ng police visibility ang naganap na magkasunod ng panghoholdap dahil sa nag­anap ito bago magselebra ng ika-17 anibersaryo ng PNP.

Naging dahilan ito sa pag­kasibak ng commander ng Ka­muning at Anonas police station na nakakasakop sa mga lugar na sinalakay ng mga hol­daper. (Danilo Garcia)

Show comments