Nagmistulang ‘nakotongan’ ng driver ang bagong upong hepe ng Land Transportation Office (LTO) Alberto Suansing kahapon ng umaga sa Maynila.
Ito ay nang magbigay si Suansing sa driver ng jeep ng pera na pantubos nito ng lisensiya.
Hindi naman binigay ang pangalan ng driver pero ito ay isa sa driver ng jeep na may biyahe sa Maynila na nasita ni Suansing sa may Tayuman, Maynila dahil nakahimpil sa naturang lugar.
Nang kukunin ni Suansing ang driver’s license nito ay wala itong maipakitang lisensiya kundi traffic viola tion receipt lamang o resibo ng pagkakakumpiska sa driver’s license nito.
Tinanong ni Suansing sa driver kung bakit hindi tinutubos ang lisensiya at saka sinabi rito ng driver na wala siyang perang pantubos.
Bunsod nito, nagbigay si Suansing ng perang pantubos ng lisensiya sa naturang driver at saka umalis.
Si Suansing na isang engineeer ay galing sa transport sector mula sa pagiging Presidente ng truckers’ association, bago naging miyembro ng Road Board at DOTC consultant. (Angie dela Cruz)