Mismong si Manila Police District Director Chief Supt. Roberto Rosales ang aaresto sa mga barangay chairman at pulis na nangunguna pa sa paglabag sa umiiral na ordinansa kaugnay sa pagbabawal uminom sa lansangan.
Sa ginanap na ugnayan sa pagitan ng mga opisyales ng barangay sa Maynila at mga opisyal at kagawad ng MPD na dinaluhan din ni Mayor Alfredo Lim, tahasang inihayag ni Rosales na siya mismo ang aaresto sa mga pulis at kabesa ng barangay na mahuhuling umiinom sa lansangan sa lungsod.
Ibinigay ni Rosales sa mga dumalong opisyal ng barangay ang numero ng kanyang cellphone na puwedeng tawagan kung sakali at walang maglakas-loob na dumakip sa mga pulis at barangay chairman na nakikipag-inuman sa kalsada upang siya mismo ang magresponde at dumakip sa mga ito.
Ayon sa MPD chief, dapat ay magpakita ng magandang halimbawa ang mga opisyal ng barangay at pulisya sa kanilang lugar upang igalang at magtiwala sa kanilang kakayahan sa pagpapatupad ng kaayusan, katahimikan at kalinisan.
“Kung nahihiya ang mga pulis na dakpin ang kanilang mga kabaro o barangay chairman na hayagang umiinom sa lansangan, tawagan ninyo ako at ako ang huhuli sa mga iyan” pahayag ni Rosales. (Grace Amargo-dela Cruz)