Patay ang isang 18 anyos na dalaga makaraang pagtulungang gahasain at walang awang pinagpapalo sa ulo ng isang grupo ng mga kalalakihan kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Hubo’t hubad at naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Jennifer Japson, out of school youth, ng Tabon 3-E, Barangay Aldana ng nabanggit na lungsod.
Batay sa imbestigas yon ni P03 Paul Diaz ng Criminal Investigation Division ng Las Piñas City Police, dakong alas-9 ng umaga nang matagpuan ang biktima sa isang abandonadong bahay sa Curban St., Barangay Aldana.
Ayon sa isang Boy Istanari, nakakita sa bangkay ng biktima, dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang una siyang nakarinig ng sigaw ng babae na humihingi ng saklolo mula sa nasabing abandonadong bahay.
Ngunit makalipas ang ilang minuto ay biglang tumahimik kung saan ay una umano nitong inakala na isang mag-asawa lamang ang nag-aaway.
Kinabukasan ay agad na tinungo umano ni Istaniari ang naturang bahay upang alamin ang naganap na ingay ngunit nang ito’y makapasok sa loob ay tumambad sa kaniyang harapan ang duguan, hubo’t hubad at wala nang buhay na katawan ng biktima.
Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima dakong ala-1:30 nang madaling-araw at may bitbit na mga bote ng beer na binili sa tindahan na hindi kalayuan sa pinangyarihan ng insidente.
Sinabi pa ng isang pedicab driver na hindi binanggit ang pangalan na nakita din nito ang biktima na may kasamang apat na kalalakihan na nakainuman nito sa kanilang lugar bago ito natagpuang patay sa nasabing abandonadong bahay.
Sinabi pa ni P03 Diaz na kilala ng biktima ang mga salarin dahil ito ang mga naka-inuman nito bago natagpuang patay. (Rose Tamayo-Tesoro)