Nanawagan kahapon ang mga residente ng San Andres Street, Zone 77, Brgy. 704, Malate, Manila sa pamunuan ng Maynilad na aksiyunan ang kanilang reklamo hinggil sa kulay at amoy ‘ebak’ na tubig na lumalabas sa kanilang gripo na umano’y posibleng dahilan nang pagkalat ng iba’t ibang uri ng sakit sa kanilang lugar.
Pinangunahan ni Sylvia Luz, ng #584-L, San Andres St., ng nabanggit na lugar ang naturang panawagan.
Nabatid kay Luz at sa ilang kabarangay nito, na halos magdadalawang linggo ng mistulang kalbaryo ang kanilang dinadanas, dahil hindi nila magamit ang tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo. Hindi aniya sila makaligo at makapaglaba dahil ang lumalabas na tubig sa kanila-kanilang mga gripo ay kulay at amoy ebak.
Ayon sa mga residente, tatlong beses na nilang inireklamo sa tanggapan ng Maynilad ang kanilang problema, ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang ginagawang aksiyon ang nabanggit na tanggapan. (Lordeth Bonilla)