VAT sa gamot alisin
Hinamon ng isang grupo ng mga duktor ang mga kongresista na magpalabas ng isang panukala na magtatanggal sa value added tax na ipinapataw sa mga gamot.
Ito, ayon sa mga medical practitioners, ay kung seryoso ang mga mambabatas na humanap ng mga paraan para maibaba ang presyo ng mga gamot sa bansa.
Sa isang pulong-balitaan sa Kapihan ng Bayan sa Quezon City, sinabi ni Dr. Minguita Padilla, representative ng Philippine Medical Association, na maraming mga paraan upang makabili ang mga Pilipino ng mga kailangang gamot sa iba’t ibang uri ng karamdaman at isa na dito ay ang pagtatanggal ng 12 percent VAT sa halaga ng mga gamot sa bansa,
Nilinaw ni Padilla na ang kanilang grupo ay sumusuporta sa cheaper medicine bill na takdang aprubahan ng bicameral committee sa mga susunod na araw pero nananatili silang tutol sa probisyon nito hinggil sa generic prescription.
Tutol anya ang mga miyembro ng PMA sa naturang probisyon dahil unfair ito sa mga medical practitioners.
Karamihan naman sa mga doktor ay tumatangging magreseta ng generic na gamot sa kanilang pasyente dahil hindi ito garantisadong makakagaling sa pasyente. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending