300 court employees ‘nagluksa’ sa flag raising ceremony
Bilang protesta laban sa pagkakabinbin ng kanilang benepisyo, nagluksa kahapon ng umaga ang mahigit sa 300 court employees upang iparating ang kanilang karaingan sa Mataas na Hukuman.
Sa flag raising ceremony kahapon ng umaga, nagkulay itim ang kapaligiran ng Hall of Justice nang mag-protesta at magsuot ng itim na damit ang mga court employees na humihingi ng katarungan para maibigay ang kanilang benepisyo na nabibinbin mula pa noong panahon ni chief Justice Hilario Davide.
Ayon kay Rusty Ragasa, presidente ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Employees Assiciation (PC-RTCEA), hindi nila nilalabanan ang kasalukuyang pamumuno ni chief Justice Reynato S. Puno, ang kanilang nilalabanan ay ang kaapihan at diskriminasyong dinaranas sa pamamagitan ng pagkakaloob ng benepisyo sa mga empleyado sa lower court.
Ang pagsusuot ng damit na itim ng mga empleyado ay bilang pagkaka-isa umano upang maituwid ang bulok na sistema sa hudikatura sa pamamahagi ng karampatang benepisyo para sa maliliit na manggagawa sa lower court.
“Yung natanggap nilang banepisyo nakain na nila, pero yung sa amin hanggang ngayon hindi pa nila ibinibigay,” pahayag ni Ragasa.
Kabilang sa kanilang kahilingan ang Judiciary Development Fund (JDF), Special Allowance for Judiciary at P5,000.00 allowance na taunang ibinibigay sa court employees.
“Matagal na panahong nananahimik ang lower court employees, ang panahon ay nagbabago kailangan din naming mabuhay ng maayos, tumataas ang bilihin, ang krimen ay laganap at ang mga kaso ay itinataas sa hukuman at ginagampanan namin ang aming trabaho, pero nananatili kaming agrabyado,” pahayag ni Ragasa.
Nabatid na ang nasabing “silent protest” ng mga empleyado ay mananatili at regular umano nilang gagawin ito tuwing Lunes habang hindi umano nila natatanggap ang hinihinging benepisyo sa naturang ahensya. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending