Masusing imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng pulisya dahil sa hinalang “foul play” sa pagkamatay ng isang obrero na sinasabing nagbigti sa loob ng kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nakilala ang nasawi na si Romeo Arquilllano, 30, may-asawa, at residente ng #153 Smile Citihomes, Brgy. Kaligayahan, ng naturang lungsod. Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-8:40 ng gabi sa loob ng kanyang bahay.
Sinabi ng pamangkin ng biktima na si Mark Arquillano na nagpabili sa kanya ang tiyuhin ng sigarilyo sa tindahan. Nang bumalik siya, dito na niya nadiskubre ang nakabigting tiyuhin na wala nang buhay. Agad na humingi ng saklolo ang bata sa mga kapitbahay na tinangka pang iligtas sa kamatayan ang biktima ngunit hindi na rin ito umabot ng buhay nang isugod sa pagamutan. Inaalam ngayon ng mga awtoridad ang posibleng motibo ng biktima sa umano’y pagbibigti kabilang na ang posibleng problema sa pamilya o sa trabaho. Inaaalam rin ng pulisya kung may foul play sa naturang insidente. (Danilo Garcia)