Naging emosyonal si dating Batangas Governor Antonio Leviste kung saan ay umiyak pa ito habang nagbibigay ng kanyang testimonya sa isinagawang pagdinig kahapon ng umaga sa kinakaharap nitong murder case sa Makati Regional Trial Court.
Luhaang sinabi ni Leviste sa korte na sana siya na lamang umano ang napatay o namatay sa nasabing insidente dahil hindi hamak na pagdurusa umano ang kinakaharap ngayon ng kanyang pamilya dahil dito.
Umiiyak rin na isinalaysay ni Leviste ang nangyari at kung paano niya napatay noong Enero 12, 2007 ang matalik nitong kaibigan na si Rafael delas Alas.
Inamin naman ni Leviste sa korte na may ilang beses niyang pinagbabaril si delas Alas hanggang sa mapatay ito.
Ayon pa kay Leviste na nagawa lamang umano niyang pagbabarilin si delas Alas upang depensahan ang kanyang sarili nang makita nito na bubunot na ng kanyang baril ang huli para barilin siya.
Isinalaysay pa ni Leviste na nag-ugat umano ang pamamaslang makaraan ang mainitang argumento sa pagitan niya at ni delas Alas.
Nag-ugat umano ang alitan mula nang ipagpilitan ni delas Alas kay Leviste na bigyan ng huli ang una ng P50,000 kada-buwan mula January 2007 hanggang August 2008 bilang sustento sa umano’y dalawang “babae” ng biktima.
Nang gabing bago mapatay umano ni Leviste si delas Alas ay unang mas naging mainit ang argumento sa pagitan nila nang ipagpilitan umano ng huli na taasan sa P1 milyon ang unang hinihingi nitong P50,000. (Rose Tamayo-Tesoro)