Motorsiklo vs truck: Tsinay todas

Minsan pang napatu­na­yan ang panganib na dulot ng motorsiklo ma­tapos na isang Tsinay  ang agad na nasawi habang malubhang nasugatan naman ang kasama nitong lalaki nang sumalpok ang sinasakyan nilang motor­siklo sa isang dump truck kahapon ng umaga sa Quezon City.

Sa inisyal na ulat, na­sawi ang biktima na si Rose­marie Hu na  resi­dente ng Bgy. Payatas, ng naturang lungsod. Isinu­god naman sa National Ortho­pedic Hospital ang kasa­ma­han nitong si Samuel Magallanes.

Nabatid sa Quezon City Traffic Sector 5, naganap ang aksidente dakong alas-11:30 ng umaga. Bi­nabagtas ng dalawa sakay ng motorsiklong may pla­kang DA-3521 ang kaha­baan ng Quezon Avenue nang pagsapit sa panulu­kan ng Araneta Avenue ay mahagip ng kasabay na dump truck.

Naisalaysay pa umano ni Magallanes na gume­wang siya sa pagma­maneho hanggang sa tuluyang mawalan ng kon­trol at pumailalim ang motorsiklo sa trak.  Dito tuluyang naipit ang mga biktima lalo na si Hu. Agad namang isinugod ang mga biktima sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay si Hu dahil sa tindi ng pinsalang natamo.

Pinaghananap naman ngayon ng pulisya ang hindi pa nakikilalang truck driver na mabilis na tuma­kas matapos ang insidente. (Danilo Garcia)

Show comments