Tatlong fetus na nakalagay sa loob ng dalawang plastic jars ang natagpuan ng isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) habang ito ay naglilinis ng mga halaman sa kahabaan ng Jose Abad Santos, Tondo, Maynila.
Ang nasabing tatlong fetus ay nadiskubre ni Roldan Garcia, 21, binata, miyembro ng MMDA monitoring group at naninirahan sa Gate 10, Area B, Parola Compound, Maynila.
Ayon kay Garcia, naghuhukay umano siya sa isang plant box nang bigla na lamang umano siyang may matamaan na isang matigas na bagay.
Nang tuluyan nang hukayin ay nakita nito ang dalawang plastic jars at nang buksan ay nakita sa isang jar ang dalawang fetus at ang isa naman ay nasa isa pang jar. Nang madiskubre ay agad na inireport ito ni Garcia sa pulisya at agad na itinurn-over dito.
Malaki naman ang paniniwala ng pulisya na ang mga itinapon na fetus ay mula sa mga nagkalat na abortionist at sa naturang lugar ito inilalagak. (Grace dela Cruz)