Halos magkagulo ang mga nagdaratingang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang bigla na lamang umusok at masunog ang isang aircondition sa arrival area ng Terminal 1 kahapon ng hapon.
Base sa report, tanging ang dumukot na lamang ng panyo para itakip sa kanilang mga ilong ang nagawa ng mga natarantang pasahero dahil sa makapal na usok na may masamang amoy na ibinubuga ng aircon.
Dahil dito, agad na nagresponde ang maintenance personnel ng Manila International Airport Authority at maagap na pinutol ang suplay ng aircondition sa immigration area para malimitahan ang pagkalat ng usok habang naglagay ng malalaking industrial fans para mailayo ang usok sa nasabing lugar.
Nakita naman ng mga response team ang pinanggagalingan ng usok sa kisame ng ikaapat na palapag ng gusali sa nasabing paliparan.
Sa inisyal na pagsisiyasat, posibleng nag-short circuit ang electrical wires ng aircon handling unit sanhi ng pagbuga ng makapal na usok.
Magugunita na ilang taon na ang nakalilipas, kahalintulad ring insidente ang nangyari sa immigration area kung saan nasunog ang fan belt at nagbuga ng makapal na usok sa nasabing lugar sa arrival area.
Dahil dito, maraming dayuhang pasahero ang nagsipagtakbuhan palabas na wala pang clearance mula sa immigration.
Kahapon, pinagbawalan ang media na makakuha ng litrato sa lugar ng pinaggalingan ng usok sa hindi malamang dahilan.
Ang terminal 1 building ay mayroon ng 26 taon simula nang itayo ito sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. (Ellen Fernando)