Bigo ang mga raliyista sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na makalapit sa Mendiola para doon magsagawa ng kanilang programa bilang paggunita sa ika-21 aniber saryo ng Mendiola massacre.
Hindi na rin nagpilit pa ang mga raliyista ng harangin sila ng may 2,000 tauhan ng pulisya nang marating nila ang harapan ng San Sebastian College sa Recto na doon na lamang nila sinimulan ang programa.
Tinatayang aabot din sa 2,000 katao ang sumama sa isinagawang rali na lumikha ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko mula sa Morayta , Recto at Legarda.
Pinairal naman ng mga pulis ang maximum tolerance at pinagbawalan ang mga ito na magdala ng baril.
Samantala, inaresto ng mga tauhan ng MPD ang isang imbestigador ng Commission on Human Rights (CHR) matapos na mahulihang may bitbit na baril habang nasa gitna ng kilos – protesta kahapon sa Mendiola, Maynila.
Nakilala ang dinakip na si CHR Investigator Policronio M. Nalangan Jr. habang ito’y naglalakad sa kahabaan ng C.M. Recto, Sta. Cruz, Maynila sa tapat ng KFC Restaurant.
Nakita umano si Nalangan na naglalakad at mayroong nakabukol sa tagiliran nito at ng kapkapan ay positibong mayroon itong dalang baril.
Gayunman, naiprisinta naman ni Nalangan ang kanyang permit to carry at ang mission order kung kaya’t legal umano ang kanyang pagdadala ng baril.
Ikinatuwiran ni Nalangan na wala umano siyang planong manggulo sa rally dahil susunduin lamang umano niya ang kanyang anak na nag-aaral sa isa sa mga kolehiyo sa kahabaan ng university belt.
Hindi naman kumbinsido ang pulisya sa ikinatuwiran ni Nalangan kung kaya’t isasampa dito ang kasong paglabag sa Batas Pambansa 880 sec 13 paragraph g. – public assembly. (Grace dela Cruz at Doris Franche)