Umaabot sa 84 na establisimiyento ang nanganganib na patawan ng mabigat na kaparusahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) dahil sa patuloy na paglabag sa Fire Safety Code.
Sa nakalap na datos kay BFP National Capital Region chief, Sr. Supt. Ruben Bearis, kabilang sa mga establisimiyento ang mga kilalang shopping malls, paaralan at mga gusali base sa ulat na ipinadala sa kanya ng kanyang mga station commanders sa 13 lungsod at munisipalidad ng Kalakhang Maynila nitong Enero 10.
Nangunguna na may pinakamaraming paglabag ang lungsod ng Maynila na may 58 establisimiyento na kinabibilangan ng 12 paaralan, boarding house at mga kantina.
Sumusunod rito ang Parañaque City na may 8 establisimiyentong lumalabag kabilang ang isang shopping center; Mandalu yong City na may lima; Pasay City na may 4; tatlo sa Caloocan City kasama ang isang mall; dalawa sa Las Piñas City at tig-iisang establisimiyento sa lungsod ng San Juan, Makati, Muntinlupa, Malabon at Navotas. Iginiit naman ng Pasig City Fire Department na walang establisimiyento na lumalabag sa Fire Safety Code sa kanilang lugar.
Hindi pa naman nagsusumite ng kanilang ulat ang kanyang mga station commanders sa Quezon City, Valenzuela, Marikina at Taguig City. Inaasahan naman ng BFP na aakyat ang naturang bilang sa oras na magpadala na ng ulat ang naturang mga fire departments.
Kabilang sa paglabag ng naturang mga establisimiyento ay ang kawalan ng firefighting first aid; emergency light at battery; walang automatic sprinkler system at kawalan ng mga fire exits. (Danilo Garcia)