Babaeng preso nagbigti sa selda

Isang 40-anyos na dalagang inmate ang iniulat na nagpa­πkamatay sa pamamagitan nang pagbibigti sa loob ng kanyang selda kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nakilala ang   nasawi  na si Aurora Pingol, walang hanap-buhay, nakatira sa #277 Marulas Street, ng naturang siyudad.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Police, dakong alas-10:15 ng gabi nang madiskubre ng desk officer na si P03 Conrado Punzalan at P01 Edward Adriano ang bangkay ng naturang biktima.

Kung saan nakatali ang leeg nito ng steel wire at  nakabitin mismo sa loob ng selda nito sa  City Hall Detachment, katabi ng tanggapan ng Caloocan City Hall building.

Nabatid na napiit si Pingol dahil sa kasong pandurukot.

Sa pagitan ng alas-8 hanggang alas-9 kamakalawa ng gabi, kaagad na inilipat si Pingol ng mga tauhan ng RDPSTM sa detention cell ng City Hall Detachment upang imbestigahan at sampahan ng kaso.

Ngunit pagkalipas ng ilang oras, nakita na lamang nakabitin si Pingol, kung kaya’t kaagad kinalas ng mga pulis ang steel wire na nakatali sa leeg nito hanggang sa kaagad itong isinugod sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center, ngunit deniklara itong dead on arrival ng mga manggagamot dito.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso para alamin kung may naganap na foul play sa pagkamatay nito. (Lordeth Bonilla)

Show comments