Barangay kagawad binoga, patay

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang ba­rangay kagawad ng di kilalang suspek habang ito ay nagbabantay ng kan­yang bilyaran kamakalawa ng gabi sa Tondo,Maynila.

Nakilala ang biktima na  si Joseph Cambri, 57,   barangay kagawad ng Brgy. 9 Zone 1 District 1, Tondo, Maynila. Habang inilarawan naman ang suspek na may taas na 5’3- 5’4, brown complexion at nakasuot ng kulay asul na t-shirt at maong na panta­lon. Batay sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas- 10:45 ng  gabi nang ma­ganap ang insidente habang ang biktima ay nakaupo sa tapat ng Abraham’s Billiard Center sa nabanggit na lugar.

Bigla na lamang uma­nong dumating ang suspek at mabilis na binaril  sa ulo ang biktima.

Mabilis naman na isinu­god sa Mary Johnston Hos­pital  ang biktima su­balit idineklara itong dead-on-arrival. Masusi naman na iniimbestigahan ng pu­lisya ang insidente at pa­tuloy na pinaghahanap ang suspek. (Grace dela Cruz)

Show comments