Apat na pulis-Maynila ang nahaharap ngayon sa kasong robbery extortion at planting of evidence matapos na magreklamo ang asawa ng kanilang inaresto na umano’y hiningan nila ng P30,000 kapalit ng pagpapababa sa kaso sa Sampaloc, Maynila, iniulat kahapon.
Personal na dumulog kahapon sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-General Assignment Section (GAS) si Ruby Cruz, 52, ng 652 Calabash Road, Sampaloc, Maynila upang ireklamo sina PO3 Segundino; PO2’s Margarito Dequito; Roland Rivera at PO1 Jonathan Sosongco. pawang nakatalaga sa Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng Station 4 (Sampaloc).
Base sa sumbong, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi noong Enero 13 at Enero 15, 2008 sa bahay ni Ruby.
Nauna rito, unang inaresto ng mga nabanggit na pulis dakong 6:30 ng gabi si Isagani Cruz, asawa ni Ruby dahil sa umanoy pagtutulak ng droga at nakatakdang sampahan ito sa paglabag ng Section 5 ng Art 6425 (Drug Pushing) na walang bail.
Matapos ang dalawang araw bago sampahan ng kaso si Isagani, nilapitan umano si Ruby ng isang dating pulis na si Ronaldo Hipolito na ibababa umano nila ang kaso kung magbabayad si Ruby ng P100,000 subalit nagkatawaran hanggang sa nagkasundo sa P30,000.
Ngunit, P20,000 lamang ang ibinibigay ng biktima dahilan upang tuluyang sinampahan ng kasong drug pushing si Isagani.
Nagreklamo naman si Ruby sa MPD-GAS dahil sa umano’y “pagtatanim” ng ebidensiya nang arestuhin ang kanyang asawa at pangingikil upang mapababa ang kaso. (Grace dela Cruz)