Isang ex-convict na miyembro ng “Sigue-Sigue Sputnik” gang ang bumagsak sa kala boso makaraang dakpin ng pulisya dahil sa panunutok ng patalim at nangikil sa tatlong sibilyan sa bahagi ng L. Rivera St., Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang iniimbestigahan sa MPD-Station 3 (Sta. Cruz) ang suspek na si Isabelo “Benny” Pulido, 29, ng #17731 Old Antipolo St., Sta. Cruz, Manila, matapos ireklamo nina Ralph Endrapa, 29, driver ng #9 Roxas St., Filinvest II Batasan Hills, Quezon City; anak nitong si Rudolph, 9; at Rosemarie Cladio, 36, vendor ng #1731 Old Antipolo St., Sta. Cruz.
Sa ulat na isinumite kay P/Supt Romulo Sapitula, hepe ng MPD-Station 3, naglalakad ang mga biktima nang harangin at holdapin ng suspek.
Tumanggi si Ralph sa kagustuhan ng suspek, subalit pinagbalingan namang tutukan ng patalim si Rudolph kaya tumakbo ang mga ito sa bahay ni Cladio pero sinundan sila hanggang sa makatawag ng pansin sa ilang kapitbahay ang nasabing komosyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (Grace Amargo- Dela Cruz)