May posibilidad na napagtripang pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang isang 32-anyos na mister ng apat na kalalakihan sa harapan ng videoke bar, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Napuruhan ng tatlong saksak sa katawan si Jesser Riado Samson, may-asawa, jobless, at residente ng Block 14 Lot 8, Noel Drive, Pacita Complex, Biñan, Laguna.
Sa imbestigasyon nina SPO1 Aristotle Raquion at PO3 Albert Arevalo ng Criminal Investigation Division (CID)-Las Piñas City Police, dakong alas-3 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa harapan ng Tito Boy Videoke Bar sa Alabang-Zapote Road, Almanza Uno.
Napag-alamang nag-iinuman ng alak ang biktima at grupo ng mga suspek sa magkahiwalay na lamesa sa loob ng naturang videoke bar nang magkainitan sa pagtatalo.
Upang makaiwas sa gulo, nagpasya na lamang umalis sa bar ang biktima, subalit sinundan siya ng mga nakaalitang suspek at isinagawa ang krimen. (Rose Tamayo-Tesoro)