Plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mag-road widening sa Andrews Avenue na posibleng makumpleto sa loob ng apat na buwan ng 2008.
Sa isinagawang pag-aaral ng naturang ahensiya, anim na linya ang balak gawing pagpapalapad ng kalsada dahil sa napipintong dodoble ang dami ng sasakyan sa 2015 lalo na kapag naging operational na ang NAIA 3 terminal.
Nabatid na binuksan ng MMDA ang pinakabago nitong proyekto sa lansangan upang mapaluwag ang trapiko sa Andrews Avenue malapit sa NAIA 3 terminal sa Pasay City .
“Naresolba na rin ang pagsisikip ng trapiko sa Manlunas at Sales Streets patungo sa Andrews Avenue at NAIA 3 terminal na noon ay naging parking area ang kahabaan ng kalsada dahil sa mabagal na usad ng mga sasakyan,” pahayag ni MMDA Chairman Bayani F. Fernando,
Sa proyektong road widening na tatagal sa loob ng 12 hanggang 18 buwan, tinatayang aabot ng P48 milyon ang gagastusin at sa konstruksiyon naman ng flyover at widening ng Andrews Avenue ay posibleng gumastos ng P280 milyon.
Napag-alaman na nagbigay ng donasyon ang management ng NAIA 3 na 15-metro ng kanilang property line sa MMDA para sa karagdagang lane-component ng rotonda. (Rose Tamayo-Tesoro)