Nasira ang maamong mukha ng isang first year high school student nang gulpihin, sakalin at pagkakalmutin ng ina ng kanyang kaeskwela dahil ayaw ng suspek na bumarkada ang kanyang anak sa biktima sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Bukod sa napakarami at matinding sugat sa magkabilang pisngi ay nagka-black eye din ang kaliwang mata at may mga sugat sa leeg matapos suntukin at sakalin ang biktimang si Rochelle Cruz y Mallari, 14, estudyante ng Maypajo High School.
Kinilala naman ang suspek na si Aarona Gutierrez, may sapat na gulang, taga Kanluran Village, Caloocan City.
Ayon sa sinumpaang salaysay ng biktima sa tanggapan ng Women’s and Children Protection Desk, Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-11 ng umaga sa Tambakan St., Maypajo ng naturang lugar.
Sinabi ni Cruz na bigla na lang siyang nilapitan ng galit na galit na si Gutierrez, nanay ng kanyang kaklase na si Jamie bago siya sinakal, sinampal, kinalmot at sinuntok.
“Habang kinakalmot po ako ay gusto niya akong patayin, sobrang sakit at hapdi po at kahit dugo-dugo na ang mukha ko ay sige pa rin po siya sa pagkalmot at salit-salitan po sinasakal, sinasampal at sinusuntok niya po ako,” pahayag ng bikti ma habang ito ay umiiyak.
Sinabi ng biktima na galit umano sa kanya ang suspek dahil malapit ang anak nitong si Jamie sa kanya sa kabila ng ma dalas umanong sabihin ng suspek na umiwas at huwag makipagkaibigan sa biktima. (Lordeth Bonilla)