Ipinahihinto na ng isang environmental advocacy group ang paggamit ng banderitas bilang dekorasyon sa pagdiriwang ng mga kapistahan.
Ang panawagan ng EcoWaste Coalition ay kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila bukas Enero 20.
Ayon kay Rei Panaligan, Coordinator ng nasabing grupo, sa halip na mga disposable banderitas, hinihikayat nilang gumamit na lamang ng mga “environmentally-safe” na dekorasyon sa mga kapistahan.
Kasabay nito, hinimok din ng grupo ang mga Parish Priest at mga Local Government Units (LGUs) na magpatupad ng “total ban” sa paggamit ng “disposable” banderitas.
Sinabi pa ni Panaligan, na dapat magkusang kumilos ang mga Parish Priest at mga LGUs para hikayatin ang mga residente na gumamit na lamang ng mga dekorasyon na pagkatapos ng pagdiriwang ng piyesta ay maaring hugasan o linisin, itago at gamitin muli sa susunod na taon.
Ayon sa grupo, nakaka bahala ang paggamit ng maraming disposable plastic bags, packaging scraps at straws, bilang banderitas sa pagdiriwang ng mga kapistahan.
Maliban sa makakadumi na ito sa kalikasan ay wala rin umanong ganda o gara ang banderitas sa tunay na diwa ng piyesta kayat hinikayat ng grupo ang mga organizers na gumamit na lamang ng mga piraso at makukulay na tela na siyang magsisilbing banderitas.
Babala pa ng eco-group ang mga plastic “banderitas” ay hindi lang makakasama sa kalikasan kundi maging sa kalusugan ng bawat isa dahil matinding polusyon ang idudulot nito kapag itinapon o sinunog matapos ang pagdiriwang. Kung hindi naman susunugin, babara lamang ito sa mga drainage, estero at mga ilog sa sandaling bumuhos ang ulan at magkaroon ng mga pagbaha.