Dating child actress timbog sa ‘pambubugaw’

Naaresto kahapon  ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang dating child actress dahil sa umano’y pambu­bugaw at pagbebenta sa ilang kabata­ang babae sa mga maya­yamang negosyante sa La Union.

Kinilala ni MPD station 7 chief.Sr. Insp. Diosdado Lagajino ang suspek na si Jennifer Gordon-Espinosa, 32 ng 1007-G Tayabas St. Tondo at mas kilala sa screen name na Kirara sa TV series na Ula noong 1980 kung saan ka­sama nito si Judy Ann Santos.

Ang pagkakaaresto sa suspek ay bunsod sa reklamo ng ina ng mga biktima na may edad na 14, 17 at 15 anyos, pawang residente ng M. Guizon St., Tondo.

Ayon kay Lagajino, dakong alas-4 ng madaling-araw ng arestuhin ang suspek sa San Fernando, La Union sa ka­nilang isina­gawang follow-up operation.

Base sa report, nire-recruit umano ng suspek ang mga kabata­ang babae na magtrabaho bilang mga Guest Relations Officer (GRO) sa Baguio City at umano’y kikita mula P10,000 hanggang P20,000 kada buwan.

Nagbigay din umano ng down payment ang suspek sa mga biktima bago sila dinala sa mga club sa Baguio at La Union.

Dinala ng suspek ang mga biktima at sumakay sila ng bus patungong Baguio City subalit dinala sila sa isang club  sa Brgy. Dingras, Ilocos, Norte na pag-aari ng isang Daniela Reyes-Batandolo at sa iba pang club sa La Union.

Subalit natuklasan ng mga magulang ng mga biktima ang illegal na trabaho ng kanilang mga anak kaya’t nagpasaklolo sila sa pulisya. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments