Isang fetus na nakalagay sa plastic bag ang natagpuan sa loob ng women’s comfort room sa loob ng New Executive Building sa Malacañang kahapon ng umaga.
Tinatayang nasa 6 na linggo na ang fetus na nakasilid sa isang kulay blue na plastic bag at inilagay sa inidoro sa ladies’ comfort room sa ground floor ng New Executive Building sa Malacañang.
Naglilinis ng comfort room ang janitor na si Mark Maningas bandang alas-7 ng umaga nang mapansin niya ang isang blue plastic bag na nasa loob ng inidoro.
Sinubukan niyang i-flush ang inidoro subalit hindi lumubog ang nasabing plastic bag hanggang sa buksan niya at matuklasang may lamang fetus. Kaagad ipinagbigay-alam ng janitor sa Presidential Security Group (PSG) ang kanyang natuklasang fetus at nagsagawa ng imbestigasyon ang Special Operations Team ng PSG.
Inaalam naman kung sino ang posibleng buntis na empleyado ng Malacañang na maaaring nag-iwan ng nasabing fetus sa CR.