Saksi sa pamamaril sa aso, binoga rin

Agaw-buhay na dinala sa pagamutan ang isang 15-anyos na estudyante na saksi sa pamamaril sa isang aso ng mga suspect na bumaril din sa una, kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Inoobserbahan sa Pasay City General Hospital (PCGH) sanhi ng tama na bala  ng baril ang biktimang si Kaymart Perez, ng Protacio St. ng nabanggit na lungsod. 

Samantala, kasalukuyan namang pinaghahanap ang dalawang suspect na kapwa armado ng mga baril na agad  tumakas lulan ng isang stainless tricycle patungong Taft Avenue, Pasay City matapos ang ginawang pama­maril ng mga ito sa biktima.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-11:30 ng gabi nang maga­nap ang insidente sa kanto ng Decena at Protacio Sts., Pasay City.

Nabatid na nagla­lakad pauwi ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan, nang biglang makarinig ng mga kahol ng aso sa tapat ng construction site at hinahabol ang mga suspect na nakasakay sa tricycle. Sa kanilang pahayag, agad umanong bumaba ng tricycle ang mga suspect at binaril ng tatlong ulit ang humahabol at kumakahol na aso hanggang sa duguang tumimbuwang ang nasabing hayop sa kalsada.

Dahil naman sa pangambang namukhaan ng  nasa­bing mga kabataan ang mga suspect na bumaril sa aso, inasinta naman ng mga huli ang mga una kung saan minalas na matamaan si Perez. Matapos umano ang pamamaril, mabilis na pinaharurot ng mga suspect ang kanilang sasakyan papalayo sa lugar habang isinugod naman sa naturang pagamutan ang biktima ng mga nagpapatrulyang barangay tanod. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments