Nilinaw ng pamunuan ng Department of Agrarian Reform na boluntaryo ang gagawing paglilipat ng ahensiya sa mga empleyado mula sa DAR office sa Elliptical road Quezon City puntang Mindanao partikular sa Davao.
Ayon kay DAR Secretary Nasser Pangandaman, ito ay upang hindi naman makaapekto ang kanilang gagawing paglipat ng tanggapan sa mga tauhan na sa Metro Manila nagtatrabaho ang asawa nila o nagsisipag-aral ang mga anak sa Kalakhang Maynila.
Sinabi ni Pangandaman na sa katunayan, aabutin lamang ng 50 tauhan mula sa DAR central office QC ang lilipat sa Mindanao at ang 200 tauhan ay magmumula sa Mindanao mismo at ang iba ay karatig lalawigan.
Hindi naman anya aabandonahin ang gusali ng DAR sa Elliptical road QC dahil dito na mag-oopisina ang DAR Regional Office 4.
Ngayong Enero ay unti unti nang naglilipat ang DAR Central Office sa bagong tahanan nito sa Davao City. (Angie dela Cruz)