Manero lalaya ngayong linggo?
Lalaya na sa loob umano ng linggong ito ang sentensyadong si Norberto Manero na nakulong dahil sa pagpatay sa isang pari.
Nabatid na si Manero ay nakatakdang lumaya mula sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa City sa Enero 16.
Ilang beses nang kinumpirma ni Public Attorneys’ Office Chief Atty. Precy Acosta na makakalaya na si Manero.
Ayon pa kay Acosta, nakumpleto na ni Manero ang serbisyo nito sa bilangguan. Bukod dito, nararapat na palabasin na rin umano si Manero sa piitan dahil sa hindi magandang kalagayan ng kalusugan nito.
Nabatid na si Manero ay nakulong sa NBP mula pa noong 1985 dahil sa pagpatay sa Italian priest na si Tulio Favali sa Mindanao.
Sinasabing pinagbabaril hanggang sa mapatay ni Manero si Favali sa Tulunan, North Cotabato at kusang iniwan ang bangkay ng pari sa isang national highway ng nasabing lugar noong dekada ’80. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending