Dahil sa masangsang na amoy ay nadiskubre ang isang 47-anyos na janitor na natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang kwarto kahapon ng umaga sa Sampaloc, Maynila.
Ang biktimang si Jaime Mendoza, binata, ng 909 R. Papa St., Sampaloc, Maynila ay hinihinalang tatlong araw nang patay bago ito nadiskubre ng kanyang mga kamag-anak sa loob ng kanyang kwarto.
Sa report ni Det. Dennis Javier ng Manila Police District-homicide section, dakong alas-7:20 ng umaga nang madiskubre ang bang kay ng biktima ng kanyang mga kaanak sa pangalawang palapag ng nabatid na tirahan.
Nauna dito, nagtataka ang mga hindi nagpakilalang kamag-anak ng biktima dahil hindi na umano ito lumalabas ng kanyang kwarto.
Napagdesisyunan nilang puntahan ang kwarto ng biktima at nagtataka sila dahil nakakaamoy umano sila ng masangsang at mabahong amoy na nanggaling umano sa kwarto nito.
Hindi sila nagdalawang isip na buksan ang kwarto ng biktima at dito nila nadiskubre na patay na ito at matigas na.
Tumanggi ang mga kaanak ng biktima na paimbestigahan ang naturang insidente dahil tanggap nila na namatay ito sa atake sa puso. (Grace Amargo-dela Cruz)