Isang family driver ang napatay habang sugatan ang amo niyang negosyante at dalawa nitong pamangking babae nang tambangan at pagbabarilin sila ng mga armadong lalaki sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Agad na nalagutan ng hininga sa pinangyarihan ng krimen si Joel Castillo, nasa hustong gulang, stay-in driver, ng #25 Victoria Village, Barangay Canumay, Valenzuela City, dahil sa mga tinamong tama ng bala ng M-16 armalite rifle at kalibre .45 baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Kasalukuyan namang ginagamot sa Manila Central University Hospital ang negosyanteng si Alicia Ordinario, 48, mga pamangkin nitong sina Vannessa Ordinario, 16, at Jonavel Ojera, 18, pawang mga naninirahan din sa naturang lugar.
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga salarin.
Lumilitaw sa pangunang pagsisiyasat na, bandang alas-8 ng umaga, binabagtas ng mga biktimang lulan ng silver na Nissan Serena na may plakang ZER-258 ang panulukan ng P. Sevilla at D. Aquino Streets sa may 5th Avenue sa naturang lungsod nang bigla silang harangin ng mga suspek.
Agad na nirapido ng mga suspek ang sasakyan ng mga biktima dahilan upang agad na mamatay si Castillo habang nasugatan ang amo niyang si Ordinario at mga pamangkin nito.
Naglakad lamang sa pagtakas ang mga suspek patungong 4th Avenue pagkatapos ng pamamaril.
Hanggang sa isinusulat ito, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo ng pananambang.
Nabatid naman na si Ordinario ay minsan na ring tinambangan noong 2005 sa Barangay Maysilo, Malabon City at nakaligtas ito habang nasawi ang ibang kasamahan niya.