Tatlong empleyado ng Manila City Hall ang sinibak sa puwesto matapos na mabunyag ang pagkakasangkot ng mga ito sa sindikato bunsod na ng maanomalyang transaksiyon tungkol sa koleksiyon ng parking fees sa lungsod.
Pansamantalang sinuspinde ni Manila Mayor Alfredo Lim ng 60 araw sina Suzanne Mempin ng Special Operations Officer V; Antonio Dawis, Traffic Operation Officer II at Angel Dizon, Clerk II pawang nakatalaga sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB). Bukod sa suspensiyon, sinampahan din ng kasong kriminal at administratibo ang tatlo.
Lumilitaw sa records na umaabot lamang sa P5,422.50 ang naipasok sa city treasury, samantalang ang dapat na koleksiyon sa parking fee noong Hunyo 2006 hanggang Hunyo 2007 ay umaabot ng P382,400. Ayon kay Lim may discrepancy o nawawala ang halagang P376,977.50 sa koleksiyon para sa nasabing taon.
Ayon kay Lim, lantarang pagnanakaw umano ang ginawa ng tatlo na hindi umano maaaring balewalain ng city government.
Iginiit naman ni Chief of Staff Ricardo de Guzman na simula pa lamang ito ng mga mabubunyag na anomalya sa parking fee sa Maynila dahil marami pa silang iniimbestigahang empleyado at koleksiyon sa parking fees partikular sa mga establisimento.
Nabatid na kasong falsification of public documents ang inihahanda laban sa tatlo dahil na rin sa pagta-tamper nila ng mga resibo at malversation, habang sa kasong administratibo ang mga ito ay sasampahan ng dishonest at grave misconduct. (Doris Franche)