3-M dagsa ngayon sa Quiapo
Plantsado na ang seguridad para sa gagawing prusisyon ng Black Nazarene ngayong pista ng Quiapo na inaasahang dadagsain ng tinatayang 3 milyong deboto.
May pitong oras ang tatahakin ng prusisyon at pinaka-kritikal umano ang oras na ilalabas na ang Nazareno kaya may 15 ambulansiya na ang nakaantabay para sa medical emergencies. Hindi umano maiiwasan ang tulakan at sakitan lalo pa’t nais ng bawat deboto na mahawakan ang lubid na nakakabit sa karo ng Nazareno sa paniniwalang matutupad ang kanilang mga kahilingan.
Maging ang mga manholes at mga nakalaylay na kable ng kuryente ay inayos na rin ng Manila city engineer upang ma ging maayos ang daloy ng prusisyon ngayon.
Inayos na rin ng Manila Traffic and Parking Bureau ang rerouting upang maiwasan ang pagkakabuhul-buhol ng trapiko lalo na kapag inilabas na ang imahe ng Itim na Nazareno.
Kahapon ay dagsa na ang mga deboto para manalangin at humaba na rin ang pila para sa pahalik sa poon.
Kaugnay nito, nagbabala naman si Msgr. Clemente Ignacio laban sa mga pekeng deboto na nangongolekta ng donasyon. Aniya, hindi nanghihingi ng anumang donasyon sa labas ng simbahan ang Quiapo church maliban sa mass offering sa oras ng misa.
Umapela rin ang environmentalist group na Ecowaste Coaliton sa lahat ng deboto na dadalo na isabuhay ang pagiging Kristiyano at pagkakaroon ng malasakit hindi lamang sa kapwa kundi sa maging sa kapaligiran.
Hiniling ng naturang grupo na iwasang magkalat o magtapon ng kahit pa katiting na balat ng kendi, plastic o ng anumang basura sa kalsada o saan mang hindi tapunan ng basura.
Mas mainam anila na sa bulsa na lamang ilagay ang maliliit na basura o ilagay sa tamang basurahan upang hindi maging salot sa kapaligiran at para na rin sa kaligtasan ng kalusugan ng mamamayan.
Mas makabubuting isama na rin sa panata o alay para sa mahal na poong Nazareno ang pagkalinga sa ating kapaligiran at ang pananatiling malinis ito hindi lamang sa may simbahan ng Quiapo kundi sa lahat ng lugar sa bansa.
- Latest
- Trending