Hustisya sa graduating student na namatay sa ligaw na bala

Sumisigaw ng katarungan ang pamilya ng isang 17-anyos na graduating student na namatay matapos tamaan ng ligaw na bala noong  bisperas ng bagong taon sa Caloocan City.

Dumulog sa Caloocan City Police si Maricel Gabriel, tiya ng biktimang  si Ervin Alonso y Gonzales, ng Block 13, Lot 6, Phase II, Casimiro Town Homes, Deparo ng nabanggit na lungsod, upang madakip ang responsable sa pagkamatay ng kanyang pamangkin.

Umiiyak na inilahad ni Gabriel na ga-graduate ngayong Marso sa Deparo High School ang kanyang pamangkin, ngunit hindi na matutupad ang pangarap nitong maka-graduate sa high school at makapag­patuloy sa kolehiyo.

Si Ervin ay tinamaan ng ligaw na bala sa bum­bunan mula sa kalibre .45 baril dakong alas-11:45 ng gabi noong Disyembre 31, 2007. Isinugod ang biktima sa FEU Hospital at mahigit 10 oras itong nacomatose ngunit binawian din ng buhay dakong alas-10 ng umaga noong Enero 1, 2008.

Umaasa ang pamilya ng binatilyo na hindi sila paba­­bayaan ng pulisya at mahuhuli ang taong res­ponsable sa insidente at mabigyan ng katarungan ang sinapit ni Ervin.  (Lordeth Bonilla)

Show comments