LRTA handa na rin sa Pista ng Nazareno
Handa na ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa pagdiriwang ng Black Nazarene sa Maynila bukas (Miyerkules) kung saan inaasahang daang libong pasahero ang dadagsa at sasakay sa dalawang linya ng tren.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni LRTA Administrator Melquiadas Robles na handa na sila sa inaasahang dagsa ng mga deboto sa nasabing pagdiriwang.
Inaasahang aabot sa 600, 000 na katao ang gagamit sa pasilidad ng Line 1 at Line 2 ng LRT bukas kung saan sinabi ni Robles na ipinag-utos na niya ang agarang pagkansela sa lahat ng mga nag- leave o walang pasok sa nasabing araw upang magsilbi.
Pinaigting rin ni Robles ang mga pagkakaroon ng mga dagdag na tellers at mga seguridad partikular na sa lugar sa istasyon ng Carriedo, sa Sta. Cruz Manila.
Hindi naman umano bawal ang mga nakapaa na siyang papasok sa LRT ngunit nagpasabi na si Robles na inaasahan nila ang dagsa ng tao kung kaya’t sinasabi na nito ng maaga sa mga pipila na magpasensiya dahil sa kanilang ipapatupad na seguridad.
Sinabi ni Robles na hindi naman bumababa ang antas ng kanilang seguridad bagkus ay kanilang itataas para bukas.
Bagaman hindi sila magdadagdag ng mga security personnel o police, sinabi naman ni Robles na magiging sobrang mahigpit sila upang maiwasan ng anumang masasamang elemento na siyang magsamantala.
Ang line 1 ng LRT ay may biyaheng mula Baclaran at Monumento habang ang Line 2 ay bumabaybay mula sa Santolan, Pasig hanggang sa Recto. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending