Patay ang anim na hinihinalang mga holdaper/carjackers, isa dito ay dating pulis sa isang shootout sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) kahapon ng umaga sa Quezon City.
Isa sa mga nasawi ang nakilala na si Elmer Ramos, lider ng grupo at dati umanong miyembro ng Eastern Police District-Drug Enforcement Unit; Leonardo Requina; Rommel Lingon; isang alyas Mar.
Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa pa nilang kasamahan
Sa ulat ng pulisya, naganap ang palitan ng putok dakong alas-9 ng umaga sa P. Tuazon St., La Loma, ng naturang lungsod. Nabatid na naganap ang barilan sa tapat ng isang money changer shop kung saan plano umano ng grupo na kidnapin ang may-ari nito.
Nabatid na una nang humingi ng saklolo ang hindi pinangalanang negosyante sa pulisya kung saan isinumbong ang ginagawang pangongotong ng mga ito sa kanya. Nagsagawa naman ng surveillance ang PNP-Traffic Management Group kung saan nagsagawa ng operasyon matapos na makatanggap ng ulat na plano ng grupo na dukutin na ang negosyante.
Nasabat ng mga pulis ang isang silver na Isuzu Crosswind (CTB-288) sa itinatag nilang checkpoint ngunit agad na pinasibad ito ng mga suspek hanggang sa magkaroon ng maigsing habulan at umano’y palitan ng putok.
Nabatid naman sa berepikasyon sa Land Transportation Office (LTO) na nakarehistro ang plaka ng Crosswind sa isang Isuzu van kaya hinihinala na kinarnap ito ng mga suspek.
Ayon sa pulisya, dati nang nakulong si Ramos sa kaso ukol sa iligal na droga at nang makalabas ay nagtayo ng sarili niyang grupo na sangkot sa carjacking, holdap at ngayo’y kidnapping. (Dagdag na ulat ni Joy Cantos)