Seguridad sa Quiapo handa na

Inaasahang todo puwersa ang  ilalatag  ng Manila Police District at ng Manila Traffic  and Parking Bureau kaugnay ng taunang piyesta ng Poong Nazareno sa Quiapo bukas.

Ayon kay Manila Mayor Alfredo Lim, pinahihigpitan  na niya ang pagbabantay sa  paligid ng Quiapo church upang mabigyan ng sapat na seguridad ang mga deboto na pupunta sa simbahan madaling araw pa lamang bukas.

Sinabi ni Lim na ang southbound lane ng Quezon Blvd. ay magsisimulang isara  dakong alas 11 ng tanghali habang  mananatili  namang bukas ang  north-bound lane.

Ilan pa sa isasara sa trapiko ay ang  Espana at Lerma mula sa P. Campa hanggang  Q. Blvd.; Andulicia, Fugoso; Palanca at Estero Cegado; ang  service road ng  Isetann, C.M. Recto at southbound portion ng Q. Blvd., Legarda at San Rafael kabilang na ang  P. Casal, Concepcion at Arlegui Sts.

Ang prusisyon ng imahe ng  Black Nazarene ay ilalabas mula sa Quiapo church patungong Villalobos, C. Palanca, P. Gomez, Q. Blvd., Globo de Oro, Gunao, Arlegui, Fraternal, Vergara, Duque de Alba, Castillejos Formecio, Nepomuceno, Concepcion Aguila, Carcer, Hidalgo at Barbosa pabalik ng  Basilica. (Doris Franche)

Show comments