Balasahan sa LTO ikinasa

Ipapatupad ngayong da­rating na Lunes ng Land Trans­portation Office (LTO) ang pagbalasa sa kanilang mga regional directors mata­pos na sibakin sa kanyang puwesto ang hepe ng LTO Region 7 dahil sa pagkaka­sangkot sa iligal na pagpa­parehistro sa mga luxury vehicles na pinaniniwalaang mga smuggled.

Sinabi ni LTO chief  Rey­naldo Berroya na ipinalabas na niya ang “re-assignment” ng ilang mga opisyal ng ahensya na epektibo nga­yong darating na linggo.

Sa kabila nito, tila nawa­lan ng ngipin ang pagpa­patanggal ni Berroya kay dating Region 7 director Alex Leyson matapos na ilipat lamang pala ito sa LTO-Region 8 kahalili si Director Raul Aqullos.

Matatandaan na patuloy na iniimbestigahan umano ng LTO-Security and Law Enforcement Service si Leyson dahil sa pagkaka­diskubre ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na sa LTO-Toledo ipinarehistro ang daan-daang luxury vehicles na nakumpiska sa isang repair shop sa Makati City noong nakaraang Disyembre.

Kasama naman sa bala­sahan sina Region 7 Asst. Director Edgar Cabase na itina­laga sa LTO-Adjudication Board kapalit ni Atty. Jun Morente na inilipat sa opisina ni Berroya. Itinalaga naman si dating Region 6 Asst. Director Eric Cabale sa LTO-Law Enforcement Section. (Danilo Garcia)

Show comments