Sinalo ng isang 19-anyos na binatilyo ang bala na para sana sa kanyang ama makaraang barilin ito ng kaaway na kapitbahay kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Nasawi dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa loob ng East Avenue Medical Center ang biktimang si Jonard Logronio, residente ng San Juan Bautista St., Brgy. Payatas, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na si John Casiano, 28, obrero, at kapitbahay ng biktima.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang pamamaril dakong alas-9:30 kamakalawa ng gabi sa naturang lugar.
Bago ang insidente, nauna na umanong nagkaroon ng pagtatalo ang ama ng biktima at suspect. Ayon sa mga kaanak ng biktima, inawat lamang umano nito kasama ang kuya nito na si Jun-jun ang ama ngunit posibleng inakala ng suspek na pagtutulungan siya ng mga ito kaya umuwi ng bahay at bumalik armado na ng baril. Tinamaan ang biktima sa likod ng bala buhat sa suspek na para sana sa kanilang ama.