Nasawi ang isang 27-anyos na obrero matapos mahulog mula sa ginagawa nitong condominium nang tamaan ito ng isang concrete slab mula sa umiikot na crane kamakalawa ng gabi sa Ermita, Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Joriel Agoncillo, ng Manila executive corp (MEC) at residente ng 427 Agot st. Group 3 South Side Makati City.
Kasong reckless imprudence resulting to homicide naman ang isinampang kaso laban kay Christopher Pagadora, 37, crane operator ng MEC; Jose Mario Geralde, 44, site engineer ng MEC at Eduardo Pacuan, 40, leadman ng Millenium Erector dahil sa pagkamatay ng biktima.
Base sa ulat, dakong alas-7:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa ikaapat na palapag ng Cityland Condominium na matatagpuan sa 1200 Jorge Bacobo St., Ermita.
Nabatid na bago maganap ang insidente ay nasa 4th floor ang biktima at tatlo pang ’di nakilalang kasamahan nito na nagsisilbing taga-senyas sa crane kung saan may karga itong pre-cast na ilalagay sa ika-35th palapag ng ginagawang gusali.
Subalit nang umikot uma no ang crane ay tinamaan ang biktima at nawalan ng balanse dahilan upang mahulog ito at kaagad na isugod sa ospital subalit hindi na ito naisalba ng mga doktor. (Gemma Amargo-Garcia)