Muli na namang nakasabat ang mga tauhan ng Pasay City Veterinary Office ng may 400 kilo ng “double dead” na karne ng baboy habang ibinababa sa isang katayan, kahapon ng madaling-araw sa nasabing lungsod. Ayon kay city veterinarian Dr. Ronaldo Bernasor, una silang nakatanggap ng impormasyon hinggil sa patuloy na pagbabagsak ng hot meat sa mga palengke sa lungsod kaya matiyaga nilang minanmanan ang kilos ng mga sindikatong nagdadala ng mga ito. Dakong alas-2 naman ng madaling-araw nang ma pansin ng mga awtoridad ang pagparada ng isang owner-type jeep sa tapat ng isang slaughterhouse na matatagpuan sa Edang St., kung saan natuklasan pa ang tatlong mga patay ng baboy. Agad na sinita nina Dr. Bernasor ang mga pahinante dahil buhay na baboy lamang ang puwedeng ibaba sa naturang katayan subalit biglang nagtakbuhan ang mga pahinante at iniwanan ang tatlong sako na naglalaman ng mga patay na baboy. (Rose Tamayo-Tesoro)