Magsilbi sanang babala sa mga isnaberong taxi driver na namimili ng mga pasahero ang ipinataw na parusa ng Land Transportation Office (LTO) sa higit 1,000 tsuper na napatunayang umabuso partikular nitong lumipas na panahon ng Kapaskuhan.
Ipinatawag ng LTO ang nasa 1,350 mga taxi drivers dahil sa akusasyon ng kanilang pag-abuso mula sa pamimili ng pasahero, pagpapakontrata, hindi paghahatid sa tamang destinasyon, depektibong metro at pambabastos sa mga pasahero.
Sinabi ni LTO executive assistant Bong Quiambao, pinutakti ng napakaraming reklamo ang kanilang ahensya buhat sa mga galit na pasahero.
Kabilang sa parusang ipinataw ni LTO chief Reynaldo Berroya ang suspensyon sa lisensya ng mga tsuper sa loob ng isang buwan at pagbabayad ng multang P1,500 para sa mga unang paglabag; anim na buwang suspensyon sa ikalawang paglabag at total na pagkansela sa lisensya sa ikatlong paglabag.
Nagbabala rin si Berroya sa mga taxi driver na patuloy ang implementasyon ng “Oplan Isnabero” sa buong taon at hinikayat ang publiko na lumapit sa LTO upang magreklamo at ituloy ang kanilang kaso hanggang matapos ang pagdinig upang mabigyan ng leksyon ang mga buwayang tsuper. (Danilo Garcia)