Agad na nasawi ang dalawang tinedyer na lalaki dahil sa kawalan ng helmet makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang dump truck kahapon ng madaling araw sa Quezon City. Nakilala ang mga nasawi na sina Sabru Saliling, 19, at Usman Sultan Pasadan, 19, kapwa residente ng Lanao street, Salam Mosque Compound, Brgy. Culiat, ng naturang lungsod. Sa ulat ng QC Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-2:50 ng madaling-araw sa kahabaan ng Tandang Sora Ave.
Mabilis umanong binabaybay ng motorsiklong kinalululanan nina Pasadan at Saliling ang naturang kalsada sa direksiyon ng Visayas Avenue nang bigla na lamang sumalubong sa kanila ang isang dump truck na hindi na naplakahan. Sa lakas ng pagkakasalpok tumilapon ang motorsiklo ng dalawa ng halos sampung metro na sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan ng mga ito na siyang kapwa ikinamatay. Agad namang tumakas ang driver sakay ng naturang dump truck matapos ang pagkakabangga. (Danilo Garcia)