Hindi umano masisilayan ng libu-libong deboto sa prusisyon ang Poong Nazareno kaugnay ng kapistahan nito sa Enero 9.
Ito ang nabatid mula kay Msgr. Jose Clemente Ignacio, Parish Priest ng Minor Basilica of the Black Nazarene bunsod na rin ng naganap na aksidente noong Enero 1 kung saan anim na deboto ang nasugatan matapos na magulungan ang kanilang mga paa ng karosa ng nasabing Poon.
Ayon kay Ignacio, sinisiguro lamang nila ang kapakanan ng mga sasama sa prusisyon upang maiwasan ang anumang mga aksidente. Ipinasya nilang huwag na lamang iprusisyon ang Black Nazarene dahil na rin sa aksidente na nangyayari taun-taon sa kapistahan ng Nazareno.
Kasabay nito, ipinaaalis na rin ng Manila City Government at event organizer ang stage sa Plaza Miranda na nasa harap ng simbahan ng Quiapo upang hindi na makaabala pa sa prusisyon. Subalit ang desisyon ni Ignacio ay mariin namang tinutulan ng ilang deboto. Ayon kay Boy Santos, matagal na siyang sumasama sa prusisyon at tradisyon na ang paglabas ng Poong Nazareno at pagsama nito sa prusisyon. (Doris Franche)