Tatlo katao kabilang ang isang ginang at isang dalaga ang dinakip ng mga pulis matapos na maaktuhan na sumisinghot ng shabu kamakalawa sa Caloocan City. Nakilala ang mga nadakip na nahaharap sa kasong paglabag sa Seksiyon 12 at 15 ng Artikulo II ng R.A. 9165 (possession of drug paraphernalia and use of dangerous drugs) na sina Zenaida Figueroa, 49; Sabrina Lopez, 21 at Angelito Mendoza, 42, pawang naninirahan sa #173 Libis Talisay Street, Barangay 12 ng nabanggit na lungsod. Sa report ng pulisya, dakong alas-5 ng hapon nang madakip ang tatlong suspek sa loob ng bahay ng mga ito sa naturang lugar. Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya, na ginagawa umanong shabu session ang naturang lugar, kaya’t agad itong bumuo ng team para magsagawa ng surveillance. Nang makumpirma ay isinagawa ang sorpresang pagsalakay ng mga awtoridad, nataranta ang tatlong suspek nang maaktuhan ang mga itong sumisinghot ng shabu. Nasamsam sa mga ito ang aluminum foil na kanilang ginamit, isang bundle ng transparent plastic na may lamang shabu, lighter, burner at iba pang mga drug paraphernalias. (Lordeth Bonilla)