Pekeng towing firm nalambat ng pulisya

Nalambat ng Pasay City Police ang tatlong tauhan ng isang sindikato ng pekeng to­wing company na umano’y pawang mga extortionist ma­tapos ireklamo ng tsuper at pahinante ng isang trucking company kahapon ng mada­ling-araw sa Pasay City.

Kulungan ang binagsakan ng mga suspek na sina Edu­ardo R. Ventura, 42, ng  Fair­view, Quezon City; Darwin D. Marinas, 30, helper; at Allan O. Aderes, 32, helper.  Nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasamahan.

Sa panayam sa tsuper ng REM Trucking na si Julie Dandanon, 23,  bumaba siya ng trak at ang kanyang pahi­nante na si Archie Yanzon at umihi sa gilid ng nasabing sasakyan nang lapitan sila ng tatlong lalaki at pilit na hiningi ang lisensiya dahil naka-illegal park daw ang trak.

Isa naman sa mga suspek ay sumakay sa trak at mina­neho habang ang biktimang si Dan­ danon ay pinasakay sa wrecker na may markang SMMTI.

Dinala ang mga biktima pati na rin ang REM truck sa ilalim ng Magallanes flyover at doon ay hinihingan sila ng P6,000 dahil sa illegal parking.

Napag-alaman naman ng pulisya na hindi lisensiyado ang SMMTI na matagal nang  “modus-operandi” ang mang­harang ng mga sasakyan para ipatubos kahit walang inisyu na tiket. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments