Hindi nakayanan ng isang 24-anyos na binata ang hindi pagkatanggap sa kanya sa inaaplayang trabaho kaya mas pinili nitong magpakamatay at tumalon mula sa overpass bridge sa kanto ng Ramon Magsaysay Blvd. Malapit sa Altura St. sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
Ang biktimang si Emmanuel Laxamana ng 1891 Visayan Ave., Sampaloc, Manila, ay dead-on-arrival sa De Ocampo Memorial Medical Center.
Nauna dito, nakita ang biktima na naglalakad paakyat sa naturang tulay hanggang sa walang sabi-sabing tumalon na lamang ito.
Gayunman, ipinagtapat ng ina ng biktima na si Josefina Laxamana na matagal nang dumaranas ng depresyon ang kanyang anak makaraang matanggal sa pinasukan nitong trabaho bilang call center agent.
Dagdag pa ni Aling Laxamana na sinubukan din ng kanyang anak na mag-aplay sa isang food chain restaurant at maging sa ibang bansa subalit hindi rin ito natanggap kaya lalong lumala ang depresyon nito hanggang sa hindi nito nakayanan at sumailalim ito sa psychological treatment sa Quirino Memorial Hospital sa Quezon City. (Grace Amargo-dela Cruz)