Nagpakabusog kahit walang pambayad

Isang 25-anyos na Chinese National ang inireklamo  ng isang sikat na Seafood Restaurant nang hindi nito bayaran ang mga  nakonsumong pagkain kamakalawa ng hapon sa Binondo, Maynila.

Ang biktimang si Mr. Joel Rabino, 35, supervisor ng Golden Fortune Seafood Restaurant ng 1283 Soler St. Binondo, Maynila, ay nagsampa ng pormal na reklamo sa Manila Police District laban sa suspek na si Jiaxiong Yao, 25, binata, pansa­mantalang nanunuluyan  sa 679 San  Nicolas St., Binondo, Maynila dahil sa kasong estafa.

Batay sa imbestigasyon  ni P/Supt. Nelson Yabut, Commander ng MPD-Station 11  (Binondo), dakong ala-1 hanggang alas-4 ng hapon nang maganap ang naturang  insidente sa loob ng nabanggit na Restaurant.

Ayon sa imbestigasyon, umorder ng mga pagkain ang naturang suspek sa nabanggit na restaurant at nakakonsumo ito ng humigit P2,678 halaga ng mga pagkain.

Akma umanong tatakas ang suspek nang hindi nagbabayad nang makita siya at arestuhin ng gwardya. (Grace dela Cruz)

Show comments