Inianunsyo kahapon ni Light Rail Transit Authority Administrator Mel Robles na mas maagang magsasara ang LRT Line 1 at 2 sa bisperas ng Bagong Taon.
Ayon kay Robles, ang last trip ng Line 1 na tatakbo sa Baclaran patungong Monumento station ay magsasara dakong alas-8:00 ng gabi habang ang Monumento patungong Baclaran station ay magsasara ng 8:30 ng gabi.
Ang last trip naman ng Line 2 mula Santolan patungong Recto station ay isasara dakong alas-7:30 ng gabi habang alas-8:00 naman ng gabi ang last trip ng biyaheng Recto patungong Santolan station.
Paliwanag ni Robles na bukod sa gagawing pagtitipid sa kuryente dahil sa inaasahang pagkaunti ng pasahero sa nasabing araw ay magiging mas malaking bentahe ang pagpapaikli ng oras gayundin ang pagkukumpuni ng mga tren at iba pang pasilidad para sa mas maayos na serbisyo pagpasok sa taong 2008. (Edwin Balasa at Lordeth Bonilla)