Nagpakamatay kahapon ng madaling-araw sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili ang isang 22-anyos na binata makaraang damdamin nito ang hindi pagtupad sa pangako ng kanyang nobya na nasa abroad na tatawagan siya nito sa araw ng Pasko sa Marikina City.
Kinilala ang biktima na si Marvin Ralph Pimentel, helper sa isang vulcanizing sa 54 Bayan-Bayanan Avenue kanto ng Bugallion st. Concepcion Uno ng nasabing lungsod.
Ayon kay P/Insp. Jose Ramilo Salazar, hepe ng Criminal Investigation Division ng Marikina Police, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-4:50 ng madaling-araw sa bakanteng lote na sakop ng nasabing vulcanizing.
Nabatid sa kasamahan nitong si John Carlo Siccuan 18, ilang minuto bago ang pagkakadiskubre niya ng nakabigting katawan ng biktima ay kinausap umano siya nito habang naglilinis ng paligid ng vulcanizing shop at nagpaalam na mauuna nang matulog sa kanilang kuwarto.
Matapos na makapaglinis ay nagtungo si Siccuan sa bakanteng lote at laking gulat na lang nito nang matagpuan doon ang nakabigting katawan ng biktima gamit ang isang nylon cord na ipinulupot sa kanyang leeg at itinali sa nakausling kahoy.
Lumalabas sa imbestigasyon na naging malulungkutin ang biktima matapos na hindi tumupad sa pangako ang nobya nitong nasa ibang bansa na tatawagan siya ng nakaraang Pasko, mula noon ayon sa mga kasamahan nito na ilang beses nitong sinabi na mas gusto na lang niyang magpakamatay. (Edwin Balasa)