Sinimulan nang busalan ang mga baril ng mga pulis sa Metro Manila bilang pag-iwas ng National Capital Region Police Office sa posibleng aksidente sa pagpapaputok ng baril sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Una nang binusalan ng masking tape ni Southern Police District Director C/Supt. Luizo Ticman ang mga baril ng kanyang mga tauhan kahapon sa kabila ng protesta ng mga ito na dapat daw ay pagkatiwalaan sila na hindi na magpapaputok.
Binusalan na rin naman ni Quezon City Police District Director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula ang baril ng kanyang mga tauhan kagabi habang nakatakda namang sumunod ang pamunuan ng Eastern Police District, Manila Police District at Northern Police District.
Nagpatupad naman ng mahigpit na seguridad ang NCRPO sa buong Metro Manila ngunit iginiit ni Director Geary Barias na wala naman silang natatanggap na banta ng mga terorista.
Nadagdagan na rin naman ang puwersa ng NCRPO sa pagtatalaga ng 700 mga bagong recruit na pulis sa Metro Manila bilang una nilang “assignment”.
Sinabi ni Barias na itatalaga ang mga bagitong pulis sa limang distrito sa Metro Manila matapos na makapanumpa sa kanilang tungkulin. Karamihan sa mga ito ay ilalagay sa “foot patrol” at mga “checkpoints”.
Nagpalabas na rin ang NCRPO ng “undercover” na mga tauhan at nagpakilos ng mga sibilyang impormante upang magmatyag at magsuplong sa mga pulis na lalabag sa patakarang bawal magpaputok ng baril sa pagdiriwang ng pagpasok ng Bagong Taon.