Tuluyan nang gumuho ang pangarap na mabuo ang isang pamilya nang wakasan ng isang 25- anyos na pedicab driver ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng umaga.
Hinihinalang may ilang oras nang patay si Mateo Juego, ng 1478 Fugoso St., Sta Cruz, Manila nang matagpuan ito.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:00 ng umaga nang madiskubre ni Jennifer Tan, live-in partner ng nasawi ang bangkay ng huli sa 2nd floor ng kanilang bahay sa‑ Fugoso St., Sta Cruz. Nakabitin ito sa kisame gamit ang isang itim na cable wire.
Huling nakitang buhay ang biktima ng kanilang mga kapitbahay dakong alas-10:00 ng gabi na mag-isa sa loob ng kanilang bahay.
Ayon kay Jennifer, bago ang pagpapakamatay ni Mateo ay nagkasundo silang magkikita sa bahay ng kanyang biyenan sa Caloocan City noong bisperas ng Pasko upang pag-usapan ang problema sa kanilang relasyon at upang doon na rin ipagdiwang ang Noche Buena, gayunman hindi sumipot ang biktima kaya umuwi si Jennifer kahapon ng umaga subalit tumambad sa kanya ang asawang nagpakamatay.
Nakuha sa katawan ng biktima ang isang suicide note na nakasaad na “Bhe, alam kong hirap na hirap ka na sa pagsasama natin ng mga bata kaya pinipilit mong umalis dito. Bhe, mahal na mahal kita kahit na ganyan ka. Bhe, hindi ko na kaya, di ba sabi ko sa iyo huwag mo akong iwan pero mapilit ka. Mahal na mahal kita higit pa sa buhay ko”. Nakasaad pa sa suicide note ang habilin na alagaan nito ang kanilang anak. (Doris Franche)